Hinimok ng isang Muslim leader ang iba pang mga nabiktima ng Hajj scam na lumantad na at ireklamo ang mga naarestong mastermind nito.
Ito’y makaraang maaresto ang dalawang suspek na sina Salamah Dibarosan at Alma Carreon dahil sa pagrerecruit umano sa 200 mga Muslim para makapunta sa banal na lungsod ng Mecca kapalit ang P50,000 hanggang P75,000.
Mahalaga ang Hajj sa mga kapatid na Muslim lalo pa’t isa ito sa mga itinuturing na haligi sa aral ng relihiyong Islam na dapat tuparin ng isang Muslim minsan sa kaniyang buong buhay.
Ayon kay Yusuf Manda, nakaaalarma aniya ito lalo pa’t taun-taon na lamang nambibiktima ang grupo nila Dibarosan kasabwat pa mismo ang mga opisyal ng National Council on Muslim Filipinos.
“Mga ilang buwan na nakaraan nagbigay tayo ng mga babala dahil tuwing panahon ng Hajj may mga ganitong grupong umiikot, dahil ang mga kababayan natin sa kagustuhan na makapagsagawa ng Hajj, eh alam mo kapag gusto mo ang isang bagay hindi mo na masyadong iniisip kung ito’y nasa tama o hindi kaya tayo umalalay, pero yung iba nabiktima talaga ng husto, nang tuluy-tuloy.” Pahayag ni Yusuf Manda.
By Jaymark Dagala / Balitang Todong Lakas Interview