Diskumpiyado ang National Union of People’s Lawyers sa ulat na isasauli na umano ng pamilya Marcos ang bahagi ng mga umano’y nakaw na yaman nito sa pamahalaan.
Ayon kay NUPL Chairman Atty. Neri Colmenares, kuwestyunable ang sinseridad ng pamilya Marcos lalo’t hindi lamang pera ang hinahabol ng mga nabiktima ng Batas Militar kundi ang mapanagot ito mula sa kanilang kasalanan sa bayan.
“Parang walang sinserity, kung ganun donasyon ito, hindi ito ill-gotten wealth, kawang-gawa ito at parang may utang na loob pa tayo sa kanila, hindi naman ata tama yun, kay President Duterte, of course yung return ng all, lahat ng ill gotten wealth at sana huwag mapabayaan yung isyu ng justice at accountability at huwag i-reduce ang isyu sa pera-pera.” Ani Colmenares
Kasunod nito, naniniwala si Colmenares na tiyak aniyang mayroong kapalit kung sakali mang ibalik na ng pamilya Marcos ang sinasabi nitong bahagi ng kanilang nakaw na yaman.
Una nang itinanggi ni Governor Imee Marcos na nagpadala sila ng emisaryo kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil pinag-uusapan pa rin ng pamilya at ng kanilang mga abogado ang usapin.
“Ang problema kapag may deal, sabihin na “ibalik ko una, wala na kaming kaso, tanggal na lahat ng kaso namin, pangalawa, tulungan mo ako sa Bise Presidente”, yan ang problema, kung ibabalik lang naman as the President said na wala namang hiningi ang mga Marcos, ibalik lang namin, eh di kunin niya, ang problema may deal yan eh, hindi yan magbibigay ng pera nang walang kapalit.” Pahayag ni Colmenares
By Jaymark Dagala / Ratsada Balita Interview