Pursigido si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na maghain ng ethics complaint laban kay Senador Antonio Trillanes IV.
Ito’y makaraan ang naging talakan nila Gordon at Trillanes sa pagdinig ng Senado kahapon nang igiit ni Trillanes na paharapin ang anak at manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa smuggling ng shabu sa Bureau of Customs.
Sa panayam ng programang Karambola kay Gordon, sobra na ang ginawang kasalanan ni Trillanes sa bayan kaya’t hindi na niya hahayaan pang lapastanganin nito ang intergridad ng Senado bilang institutsyon.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senator Richard Gordon
Giit ni Gordon, dapat tumutok ang imbestigasyon ng Senado sa kung sino ang nagpasok at kung paano nakapasok ang bultu-bultong shabu sa pantalan ng bansa nang walang kahirap-hirap.
Kasunod nito, diretsahang tinawag ni Gordon si Trillanes na mababaw dahil sa pagpipilit nitong iugnay si Pangulong Rodrigo Duterte o sinuman sa pamilya nito sa anomalya sa Aduana.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senator Richard Gordon
Samantala, hindi naman nababahala si Senador Antonio Trillanes IV sa ihaharap na ethics complaint ni Senador Richard Gordon laban sa kanya.
Ayon kay Trillanes, kung kay Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi siya natatakot, ano pa sa ethic complaint at kay Gordon.
Ani ng senador, personal na obserbasyon lamang aniya nang kanyang sabihin na nagiging ‘committee de abswelto’ na ang Blue Ribbon Committee at ‘one man show’ na ang pagdinig sa anomalya sa Bureau of Customs.
Tiwala rin si Trillanes na hindi makakakuha ng sapat na pirma at suporta ang ihaharap na reklamo laban sa kanya dahil wala aniya siyang nagawang improper at unethical.
Maswerte na aniya kung makakakuha ng tatlo hanggang apat na pirma ang resulta ng botohan sa planong ihaing ethics complaint ni Gordon.
By Jaymark Dagala / Krista de Dios / Karambola Interview