Sasamantalahin ng DPWH o Department of Public Works and Highways ang long weekend para magsagawa ng road reblocking at repairs sa ilang mga kalsada sa Metro Manila.
Ayon sa MMDA o Metropolitan Manila Development Authority, magsisimula mamayang 10:00 ng gabi ang pagsasaayos sa mga kalsada ng DPWH na tatagal hanggang 5:00 ng umaga sa Lunes, Setyembre 4.
Kabilang sa mga isasailalim sa road repairs ay ang northbound lane ng MacArthur Highway malapit sa Monumento Circle sa Caloocan City; manila East Road sa harap ng SM East Ortigas sa Pasig City; at ilang bahagi ng Quezon City mula P. Garcia Avenue malapit sa E. Jacinto Street; Luna Road, mula sa East Avenue hanggang Kalayaan Avenue at Quirino Highway Corner La Mesa Dam Road.
Gayundin ang southbound ng C5 road malapit sa Julia Vargas sa Pasig City; Bonifacio Avenue, sa pagitan ng Mauban Street hanggang Dome Street sa Quezon City; Rodriguez Jr. Avenue bago mag-Green Meadows at Rodriguez Jr. Avenue, pagkalagpas ng Boni Serrano flyover sa Quezon City.
Kasunod nito pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na kung maaari ay iwasan ang mga nabanggit na kalsada at dumaan na lamang sa ibang alternatibong ruta.
By Krista de Dios