Mariing itinanggi ng BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga lumalabas na ispekulasyon hinggil sa pagbagsak umano ng halaga ng piso kontra dolyar.
Ito’y makaraang magsara sa P51 ang palitan kontra dolyar na pinakamababa simula nang magsimula ang taong kasalukuyan.
Ayon kay BSP Governor Nestor Espenilla Jr., kung susuriin aniya ang kasalukuyang palitan, nananatiling masigla ang halaga ng piso kontra dolyar kaya’t walang dapat ikabahala ang publiko hinggil dito.
Kasunod nito, nagbabala si Espenilla sa mga nagpapakalat ng ispekulasyon na maaaring mapanagot sa batas at maituturing aniya itong pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.
By Jaymark Dagala