Umapela si PNP Chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa sa publiko na huwag agad kundenahin ang mga pulis na nakapatay sa labing siyam na taong gulang na si Carl Angelo Arnaiz na sinasabing nagholdap ng taxi driver sa Caloocan City.
Ayon kay Dela Rosa, magkaiba ang kaso ni Arnaiz sa isang menor de edad na napaslang din ng Caloocan police na si Kian Loyd Delos Santos.
Batay anya sa salaysay ng kanyang mga tauhan, nagsumbong ang isang taxi driver na biktima umano ng holdup noong Agosto 18 sa Caloocan kaya’t rumesponde ang mga pulis at sinamahan ang tsuper na hanapin ang suspek.
Bahagi ng pahayag ni PNP chief Ronald Dela Rosa
DOJ, inatasan na ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Carl Arnaiz
Inatasan ni Justice secretary Vitaliano Aguirre ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng parallel investigation kaugnay sa pagkamatay ng menor de edad na si Carl Angelo Arnaiz sa Caloocan City.
Ayon sa kalihim, ginawa niya ang kautusan matapos umalma ang pamilya ng binata at ng Public Attorney’s Office (PAO) sa paniniwala ng mga ito na sinadyang patayin ang biktima.
Batay sa resulta ng otopsiya ng forensic expert ng PAO, posibleng tinorture muna ang binata bago pinatay.