Sibak sa puwesto ang 15 pulis matapos mahuling natutulog sa presinto ng Gagalangin sa Tondo, Maynila noong Agosto 23.
Batay sa complainant na dumulog sa National Capital Region Police Office, bukod sa hindi tinugunan ng mga miyembro ng Gagalangin Police Community Precinct ang kanyang reklamo, pinagalitan pa umano siya ng mga natutulog na pulis.
Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, nagpunta ang hindi nagpakilalang biktima sa Gagalangin PCP upang i-report ang ninakaw na motorsiklo niya at dahil tulog ang mga pulis ay umalis na lamang siya sa halip na magpa-blotter pero bago umalis ay malaya niyang nakunan ng cellphone picture ang mga tulog na pulis.
Kinilala ang mga ito na sina PCP Commander, Senior Insp. Anthony Co; Police Officers 3 Nelson Geronimo; Avelino Guibao Junior; Geronimo Ramo; Police Officer 2 Carlito Dela Cruz; Police Officers 1 Percival Doroja;
Aladin Arguelles; Arnold Regala; Cathlyn Cauan; Joe Ronie Obillo; Romeo Balagtas Junior; Carlo Farmis; PO1 Janette Banatao; PO1 Leo Dave Legaspi at Beatriz Danguilan.
Sasailalim ang mga ito sa retraining habang naka-floating status at iniimbestigahan ang kaso.
By: Drew Nacino
PHOTO CREDIT: NCRPO
SMW: RPE