Dapat na naglatag ng solusyon si Vice President Jejomar Binay sa mga pinuna nito sa gobyernong aquino
Binigyang diin ito ni UST Political Science Professor Edmund Tayao na nagsabi ring inaasahan na niya ang mga inihayag ni Binay.
Ayon kay Tayao, kung halimbawang sinabi ni Binay na palpak ang MRT, ang dapat na kasunod aniya ay yung solusyon niya at kung sinabi niyang palpak yung Mamasapano, ano rin ang solusyon niya rito.
Pareho rin naman aniya ang administrasyon at si Binay na hindi masagot ang mga ibinabatong umano’y kapalpakan nila.
Magugunitang kabilang sa mga iginiit ni Binay na kapalpakan ng administrasyong Aquino ang Luneta hostage crisis na aniya’y mabagal na rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda at Zamboanga siege.
Kontra SONA
Muli na namang binanatan ni Vice President Jejomar Binay ang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa binansagan niyang True State of the Nation Address o TSONA.
Unang ipinunto ni binay ang aniya’y kapabayaan ng gobyerno sa mga sinalanta ng super typhoon Yolanda sa Tacloban gayundin ang mga nawalan ng tahanan sa Zamboanga.
Ayon pa kay Binay, hindi man lamang pinasalamatan ng Pangulong Aquino ang SAF 44 na nasawi sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Inilarawan pa sa tatlong salita ni VP Binay ang aniya’y naging kapalpakan ng administrasyong Aquino.
Ito’y dahil sa iiwanang hindi tapos ang mga problemang kinahaharap ngayon ng administrasyon tulad ng Metro Rail Transit o MRT, Bangsamoro Basic Law o BBL at Disbursement Acceleration Program o DAP.
Sa usapin ng BBL, sinabi ni Binay na hindi ito dapat madaliin bagkus, dapat tiyaking naaayon sa batas at dumaan sa tamang konsultasyon.
Binigyang diin din ni Binay ang aniya’y selective justice ng administrasyon dahil sa pagbubulag-bulagan umano nito sa paggamit ng DAP na idineklarang unconstitutional.
By Meann Tanbio | Judith Larino