Naudlot ang tangkang panggugulo ng bandidong grupong Abu Sayyaf sa closing ceremony ng katatapos pa lamang na Southeast Asian o SEA Games noong nakaraang linggo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ito’y ayon sa Malaysian Police, matapos ang pagkakaaresto ng 8 mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group na kinabibilangan ng dalawang Pilipino.
Pagbubunyag ng Inspector General ng Malaysian Police, target umano ng mga suspek na salakayin ang closing ceremonies ng SEA Games sa bukit jalil national stadium at ang Independence Day Parade pero napigilan nang maaresto ang mga suspek noong Agosto 30.
Matatandaang, kabilang sa naaresto ng Malaysian Police ang sinasabing kanang kamay ni Abu Sayyaf Sub Leader Furuji Indama na nakabase sa Basilan na kinilalang si Hajar Abdul Mubin alyas Abu Asrie.
By Krista de Dios