Muling itinanggi ni customs broker Mark Taguba na tinukoy niya sina Davao Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio na sangkot sa umano’y Davao group na nakaka-ugnayan niya para makalusot ang mga kargamento niya sa BOC o Bureau of Customs.
Iginiit ni Taguba na tsismis lamang ang tinatawag na Davao Group at walang kinalaman dito ang Presidential Son at Presidential Son-in-Law.
Noon pa aniya niya binabanggit na kahit kailan ay hindi niya nakita o nakausap o naka-transaksyon sina Vice Mayor Duterte at Atty. Carpio.
Kasabay nito, naninindigan si Taguba sa paggigiit na dapat mapatunayang ang mahigit anim na bilyong pisong shabu shipment ay nanggaling nga sa kaniyang kargamento.