Pinasususpinde ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao sa kamara ang proposed 900 Million Peso 2018 budget ng gobyerno para sa Anti-Illegal Drugs Campaign.
Iginiit ni Casilao sa plenary debate sa mababang kapulungan ng kongreso na hangga’t walang nakakamit na katarungan para sa mga drug suspect na brutal na pinatay ng mga pulis ay dapat bitinin ang pondo.
Umapel rin ang Kongresista sa house leadership na huwag ng makisawsaw sa anumang proseso na maaaring maging daan upang magkaroon ng kahalintulad na kaso ng mga pinaslang na sina Kian Lloyd Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman.
Hindi anya dapat basta aprubahan na lamang ng Kamara ang hirit na pondo ng Philippine National Police para sa Oplan Double Barrel Reloaded dahil lamang sa pangako nina Pangulong Rodrigo Duterte at PNP Chief Ronald Dela Rosa na bibibgyang katarungan ang mga kaso ng pagpatay.
Dagdag pa ni Casilao, dapat magbigay ng kondisyon ang House Appropriations Committee na aaprubahan lamang ang pondo hangga’t hindi nakukulong ang mga sangkot sa krimen at tiyaking hindi na mauulit ang pagpatay sa mga menor-de-edad.
By: Drew Nacino / Jill Resontoc
SMW: RPE