Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na itigil na ang mga pagpatay na may kinalaman sa giyera kontra droga at kriminalidad ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Tagle, araw-araw na lamang ay may napapabalitang namamatay at pinakahuli nga ay mga kabataan.
Iginiit ni Tagle na hindi maaaring pamunuan ang bansa sa pamamagitan ng pagpatay.
Hinikayat ng Kardinal ang mga pumapatay at nananakit na pakinggan ang sinasabi ng kanilang konsensya at ang boses ng Panginoon.
Kasabay nito, nais ni Tagle na buhayin ang tradisyon ng sabayang pagpapatunog ng kampana ng mga simbahan tuwing gabi upang maipanalangin ang mga nasawi.
AR / DWIZ 882