Inilatag ng DMCI, developer ng Torre de Manila ang mga argumento kung bakit hindi dapat gibain at sa halip ay dapat hayaang matapos na lamang ito.
Sa ikalawang round ng oral arguments sa kasong inihain ng Knights of Rizal laban sa DMCI sa Korte Suprema, sinabi ni Atty. Victor Lazatin, abogado ng DMCI na wala namang batas na nagbibigay proteksyon sa sightline ng isang monumento.
Ang mga batas at mga ordinansang ginawa ay sumasakop lamang sa cultural property mismo tulad ng Luneta Park at hindi sa kapaligiran nito.
Dahil dito, sinabi ni Lazatin na malabo ang mungkahi ng mga naghain ng kaso na dapat gibain ang Torre de Manila.
Ayon kay Lazatin, sinubukan nilang kumuha ng mga larawan ng Monumento ni Rizal gamit ang ordinaryong camera at napatunayan nilang mas namamayani pa rin ang Monumento ni Rizal kaysa sa Torre de Manila.
Binigyang diin rin ni Lazatin na walang nilabag na kahit anong batas ang DMCI nang ipatayo ang Torre de Manila dahil kumpleto sila sa permit.
Dahil dito, sinabi ni Lazatin na marapat lamang na tanggalin na ng Supreme Court ang Temporary Restraining Order laban sa pagpapatayo ng Torre de Manila.
By Len Aguirre