Pumirma na ng waiver si Senador Antonio Trillanes IV na nagbibigay ng pahintulot sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at tanggapan ng Ombudsman na makalkal ang sinasabing bank accounts nito sa ibang bansa na inaakusa sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Trillanes na pagpapatunay lamang ito na wala siyang anumang tinatago.
Kasabay nito ay may hinamon naman si Trillanes sa Pangulo na pumirma na rin ng waiver upang mabuksan ang mga kinukwesyon niyang bank accounts noon pang panahon ng kampanya.
Una rito, nangako ang Pangulo na kaniyang wawasakin si Trillanes na nagtataglay umano ng maraming offshore accounts.
Nagbanta pa ang Pangulo na sa mga susunod na araw ay kaniyang ibubunyag ang mga deposito na tinanggap ni Trillanes mula sa mga chines bank accounts nito.
Mocha Uson at dalawa pa sasampahan ng kaso ni Trillanes
Sasampahan ng kasong libel ni Senador Antonio Trillanes sina Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson, mamamahayag na si Erwin Tulfo at isang Ben Tesiorna dahil sa pagpapakalat ng mga maling balita.
Sinabi ni Trillanes na si Tesiorna ang nasa likod Facebook page na Davao Breaking News kung saan ipinost ang umano’y offshore accounts ng senador na ibinahagi naman nina Tulfo at Uson sa kanilang mga sariling account.
Nanindigan si Trillanes na hindi niya palalagpasin ang mga kasinungalingang pinapakalat ng naturang mga indibidwal.
_____