Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong biktima ng krimen sa ikalawang quarter ng 2017.
Ayon ito sa survey ng SWS o Social Weather Stations kung saan nakasaad din ang nananatiling pangamba sa nakawan at kawalan ng seguridad sa mga lansangan.
Batay sa survey maituturing na record low ang 3.1 percent o 7,600 pamilya ang nawalan ng ari arian tulad ng sasakyan matapos pagnakawan.
Una nang naitala ang bilang ng mga biktima ng krimen sa 6.3% nuong Marso at 4.5% nuong December 2016.
Tumaas naman ang bilang ng mga pamilyang nangangamba sa kanilang kaligtasan kapag nasa labas ng kanilang bahay sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila samantalang bumaba ito ng tatlong puntos sa NCR.
Ang survey ay isinagawa mula June 23 hanggang 26 gamit ang face interviews sa 1,000 respondents.
Palace statement
Ikinatuwa ng Malacañang ang resulta ng bagong survey ng SWS o Social Weather Stations hinggil sa pagbaba ng antas ng krimen sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, patunay lamang ito na epektibo ang mga inilalatag na hakbang ng pulisya upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.
Gayunman, aminado si Abella na kailangan pa ring dagdagan ang pagsisikap upang gawing ganap na ligtas ang mga lansangan mula sa krimen hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong Pilipinas.
Batay sa survey, bumaba ng 11 porsyento ang bilang ng mga adik sa Metro Manila sa ikalawang bahagi ng taon o mula Marso hanggang Hunyo habang bumaba ng tatlong porsyento ang insidente ng iba’t ibang krimen sa unang anim na buwan ng taon.
Contributor: Jaymark Dagala
—-