Patay ang tatlo katao kabilang ang isang tatlong buwan na sanggol sa magkakahiwalay na insidente ng landslide dulot ng bagyong Maring sa Lucena City Quezon at Taytay Rizal kahapon.
Ayon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Quezon, nasawi ang isang 3-buwang gulang na sanggol matapos matabunan ng gumuhong pader ang kanilang tahanan sa Lucena City dakong alas-9:30 ng umaga kahapon.
Idineklara nang dead on arrival ang nasabing sanggol nang dalhin sa Mount Carmel Diocesan General Hospital habang sampung iba ang naiulat na nasugatan sa kaparehong insidente.
Patay naman ang magkapatid na sina Jude, 17-anyos at Justil Pundal, 14-anyos matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang tahanan sa Sitio hapay na Mangga, Barangay Dolores Taytay Rizal.
Nabalian naman ng braso ang ina nina Jude at Justil na si Judith at bahagya ring nasugatan ang dalawa pa nilang kapatid.
Samantala, napaulat namang nawawala ang isang ginang dulot ng landslide sa Brgy. Adlas, Silang, Cavite at isang 15-anyos na binatilyo matapos naman mahulog sa creek sa Cogeo Village sa Antipolo City Rizal.
—-