Lusot na sa committee level ng Senado ang 678 million peso budget ng Commission on Human Rights o CHR para sa susunod na taon.
Kasabay nito, binigyang diin ni Senador Panfilo Lacson na gagawin niya ang lahat upang idipensa at maibalik ang nabanggit na budget ng CHR sa ilalim ng 2018 proposed national budget.
Tiwala si Lacson na hindi magiging isyu ang partido ng mga senador para suportahan ang budget ng CHR.
Malaking katanungan din aniya sa ngayon ay kung saan napunta ang tinapyas na budget ng Kamara sa CHR matapos mag-desisyon ang Mababang Kapulungan na bigyan lamang ng P1,000 pondo ang komisyon.
Samantala, positibo si CHR o Commission on Human Rights Chairman Chito Gascon na hindi nila sasapitin sa Senado ang sinapit ng kanilang panukalang budget sa House of Representatives.
Kaugnay ito sa 1,000 pisong budget na inaprubahan ng Kamara para sa CHR.
Ayon kay Gascon, aprubado na sa committee level ng Senado ang hinihingi nilang 675 million pesos budget para sa 2018.
Binigyang diin ni Gascon na bagamat malungkot ang ginawa sa kanila ng Kamara, matagal na nila itong tinanggap dahil matagal na rin naman itong sinasabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
(Ulat ni Cely Bueno) / Len Aguirre / Balitang Todong Lakas (Interview)