Aabot na sa anim ang nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Maring’ sa Luzon noong Martes, Setyembre 12.
Sa tala ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabilang sa mga napaulat na nasawi ang magkapatid na Justine Pondal, 14 anyos at Jude Pondal, 17 anyos.
Binawian ng buhay ang dalawa makaraang madaganan ng lupa at putik sa landslide sa Taytay, Rizal.
Dead on arrival naman sa Antipolo hospital si Lebron James Alozo, edad isa at kalahati matapos matabunan ng gumuhong lupa at mga kawayan habang ito ay natutulog sa loob ng kanilang tahanan.
Nasawi din ang 12 anyos na si Samantha Zamora matapos itong malunod sa isang ilog sa Pasay.
Sa Silang, Cavite, nalunod din ang kinilalang si Rossie Nasayao habang tinatangkang iligtas ang apat niyang anak sa Barangay Biluso nang magsimulang anurin ng baha ang kanilang barung – barong.
Isang dalawang buwang – gulang na sanggol naman ang namatay makaraang gumuho ang rip – rap sa kanilang lugar sa Lucena, Quezon sa kasagsagan ng malakas na pag – ulan.
Samantala, lima katao pa ang patuloy na pinaghahanap matapos mapaulat na nawawala sa gitna ng pagtaas ng tubig – baha sa Barangay Sto. CRISTOBAL, Calamba City sa Laguna.
Inaasahang lalabas ng PAR o Philippine Area of Responsibility ang bagyong ‘Maring’ mamayang gabi o bukas ng umaga.
_____