Hinigpitan na ng Department of Justice – Witness Protection Program (DOJ – WPP) ang seguridad ng pamilya ni Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman.
Bunsod na rin ito ng mga posibleng banta maging ang naganap na tensyon sa pagitan ng pamilya ni Kulot at mga miyembro ng PNP – CIDG o Philippine National Police – Crime Investigation and Detection Group noong Martes, Setyembre 12.
Aminado ang Intelligence Service Operations Group Chief ng WPP na si Ernie Talabucon, na minadali ang funeral rites ng binatilyo sa Pasig City Public Cemetery ngayong Miyerkules upang maiwasan ang mga posibleng banta.
Sa kabila nito, hindi naman mabatid ni Talabucon kung sa CIDG nagmula ang sinasabing banta sa pamilya ng 14 anyos.
Una ng inakala ng ama ni Reynaldo na si Eduardo Gabriel na kukunin muli ang kaniyang anak upang isailalim sa panibagong DNA test kaya’t nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng pamilya ni Kulot sa mga operatiba ng PNP – CIDG.
_____