Dumistansya ang Malakanyang sa pagpapabitiw ng ilang opisyal ng pamahalaan kay CHR o Commission on Human Rights Chairman Chito Gascon.
Ayon kay Presidential Communications Asst. Secretary Kris Ablan, hindi naman nagmumula sa Malakanyang ang ganitong panawagan kundi sa ibang sangay ng gobyerno tulad ng Kongreso.
Binigyang diin ni Ablan na inirerespeto ng Malakanyang ang fixed term ng mga opisyal na naitalaga ng nagdaang administrasyon at maging ang kanilang mga opinyon o pananaw sa mga programa ng pamahalaan.
Una rito, binigyan ng Kongreso ng P. 1,000 budget ang Commission on Human Rights at hiniling ang pagbibitiw sa tungkulin ni Gascon dahil wala di umanong nagawa ang CHR sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Sinundan rin ito ng pagpapabitiw ni Senador Vicente Sotto kay Gascon kung hindi nya kayang sundan o kung kokontrahin nito ang mga polisiya ng Pangulong Rodrigo Duterte.
SMW: RPE