Nakikipag-ugnayan na ang Department of Finance sa Department of Transportation para talakayin ang alok ng MPIC Metro Pacific Investment Corporation na bilhin ang SAPI o shares ng gubyerno sa MRT o Metro Rail Transit Line 3.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez kanila nang pinag-aaralan ang nasabing alok bagama’t nasa ilalim aniya ang MRT 3 ng DOTR at tiniyak na maglalabas ng posisyon sa lalong madaling panahon.
Magugunitang nag-alok na ang MPIC na pinatatakbo ng business magnate na si Manuel V. Pangilinan sa nakalipas na administrasyon na kunin ang sapi ng gubyerno sa MRT nuong 2011 ngunit ibinasura iyon.
Samantala, dalawang beses na namang nagka-aberya kahapon ang MRT 3 sa ikatlong sunod na araw na nagdulot na naman ng matinding perhuwisyo sa mga pasahero.
Nangyari ang mga aberya sa southbound ng Guadalupe at GMA Kamuning Station kung saan, pinababa ang mga pasahero dahil sa mga problemang teknikal na naranasan ng mga tren nito.
SMW: RPE