Matapos kondenahin ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN, inihayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na itinigil na ng Beijing ang land reclamation sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Wang ang pahayag matapos ang meeting ng mga kinatawan ng ASEAN sa Kuala Lumpur kung saan tinalakay ang nasabing usapin.
Kasabay nito, nanawagan ang China sa mga bansa sa rehiyon na bilisan ang negosasyon upang malaman ang mga hakbang na dapat gawin ng mga claimant.
Sinabihan na rin umano ni Wang si US Secretary of State John Kerry na nais ng China na idaan sa mapayapang usapan ang pagresolba sa naturang gusot.
Bukod sa Pilipinas, kabilang sa mga umaangkin sa nasabing teritoryo ay ang Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei.
DFA
Samantala, iginiit ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na kaya itinigil na ng China ang reclamation sa West Philippine Sea ay dahil lumikha na ito ng mga bagong isla.
Ayon kay Jose, nasa phase 2 na ang mga aktibidad na ginagawa ng mga Tsino sa rehiyon.
Sinabi naman ni Defense Spokesman Peter Paul Galvez na kahit itinigil na ang reclamation activities ay hindi ito makakabawas sa mga paglabag na nagawa ng China sa South China Sea.
Ayon kay Galvez, nagdudulot ng krisis ang mga paglabag ng China sa nilagdaan nitong kasunduan sa mga bansa sa Asya.
By Jelbert Perdez