Kasado na ang pagsisimula ng operasyon ng mga P2P o point to point buses na may rutang Clark-Metro Manila.
Kasabay ito nang pag-aalis ng DOTr o Department of Transportation ng moratorium sa pag-iisyu ng prangkisa sa provincial bus operations na ipinatupad dalawang dekada na ang nakakalipas.
Ayon sa DOTr, una nilang bubuksan ang ruta mula sa Clark International Airport hanggang NAIA kung saan 350 pesos ang magiging pamasahe.
Susundan naman ito ng P2P bus service na may biyaheng Clark-Trinoma na may pamasaheng 250 pesos at Clark Ortigas na aabot naman sa 300 pesos ang pamasahe.
Una nang inilunsad ang P2P project sa EDSA na may rutang North Edsa-Glorietta vice versa kung saan ang pamasahe ay aabot sa 45 pesos gayundin ang P2P bus service na may rutang Glorietta-Nuvali sa lalawigan ng Laguna.
—-