Isa ang sugatan sa barilan ng dalawang pulis sa isang canteen sa A. Mabini Street, Caloocan City, kahapon.
Kinilala ang nasugatan na si SPO1 Rommel Bautista ng Caloocan City Police na nakipagbarilan sa kabarong si PO2 John Paul Dela Fuente ng Manila Police District.
Batay sa imbestigasyon, nag-ugat ang barilan sa toothpick na pinagtalunan nina Dela Fuente at isang Danny Sta. Maria na kumakain din sa canteen.
Kumuha umano ng toothpick si Sta. Maria sa mesa ni Dela Fuente pero nabastusan ito at bagaman humingi naman ng pasensya ay sinigawan pa ng pulis.
Dito na nagalit si Sta. Maria at sinuntok ang pulis kaya’t gumanti rin ito ng suntok subalit naawat ng iba pang customer.
Makalipas ang ilang minuto ay umalis si Sta. Maria at pumunta sa kalapit na simbahan at pagbalik ay kasama na si Bautista na nakasibilyan.
Pagdating ni Bautista ay bumunot na umano ng baril si Dela Fuente na nauwi sa palitan ng putok ngunit batay sa mga saksi sa lugar ay ang pulis Caloocan ang naunang nagpaputok.
Samantala, aabot naman sa labingtatlong basyo ng bala ang narekober sa crime scene.