Muling isasailalim sa ikalawang awtopsiya ang mga bangkay nina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at 5 iba pa para matukoy ang paraan ng pagkamatay sa mga ito.
Batay sa ulat, hinukay ang bangkay ni Mayor Parojinog, asawang si Susan, kapatid na sina Octavio at Mona at dalawang iba pa para sa isasagawang awtopsiya ng forensic pathologist na si Doctor Racquel Fortun.
Sinasabing gagamitin bilang ebidensya ng pamilya Parojinog ang magiging resulta ng nasabing awtopsiya laban sa mga pulis na sangkot sa madugong operasyon sa Ozamiz City noong Hulyo 30.
Nagtungo rin umano ang mga opisyal ng CHR o Commission on Human Rights at si Dr. Fortun sa tahanan ng mga Parojinog sa Ozamiz City kung saan nasaganap ang madugong raid na ikinasawi ng 15 katao.
Una nang iginiit ng magkapatid na Nova Princess at Reynaldo Parojinog Jr. na hindi lumaban ang kanilang pamilya taliwas sa sinasabi ng pulisya na pinaputukan umano sila ng mga ito.
—-