Walang balak na gumanti si dating Senador Jinggoy Estrada sa mga nagpakulong sa kanya.
Kasunod ito ng kanyang paglaya mula sa pagkakakulong sa PNP Custodial Center matapos ang tatlong taon.
Ayon kay Estrada, sa kanyang pananatili sa kulungan ay natutunan nyang maging mapagkumbaba, maging mas matatag at mas malapit sa Panginoon.
Aniya, kaya niyang patawarin si dating Justice Secretary at ngayo’y Senador Leila de Lima na naghain ng reklamo laban sa kanya gayunman hindi nya ito malilimutan.
‘De Lima says’
Mariing binatikos ni Senadora Leila de Lima ang pagpayag ng Sandiganbayan na makapagpiyansa si dating Senador Jinggoy Estrada.
Ayon kay De Lima, walang kwenta ang anti-corruption laws sa bansa sa ilalim ng adminsitrasyong Duterte.
Aniya, halos kumpleto na ang pagpapawalang bisa sa mga mandarambong sa ilalim ng administrasyon Duterte gaya ng mga Marcos, si dating Senador Juan Ponce Enrile, dating Pangulong Gloria Arroyo, ngayong si Estrada at ang inaasahan ding pagpapalaya kina dating Senador Bong Revilla at pork barrel queen Janet Lim Napoles.
Dahil dito, hindi aniya malabong dumating ang panahon na mai-decriminalize ang plunder at Anti – Graft and Corruption Practices Act.
Malinaw aniya na hawak na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso at Hudikatura at magiging pormalidad na lamang sakaling magdeklara ng Martial Law ang Pangulo.
—-