Nakalulungkot isipin itong panibagong ipinalabas na desisyon ng Court of Appeals (CA) patungkol sa pagwawalang-bisa ng kapangyarihan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na manghuli ng mga taong naninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa kalakhang Maynila.
Nag-ugat ang pagpapasya ng CA, matapos idulog ng MMDA ang naging desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court na nagsasabing hindi dapat makapag-enforce o manghuli ang ahensiya dahil hindi umano sila miyembro ng Inter-Agency Committee-Tobacco (IAC-T), na siyang inatasan ng batas batay sa probisyon ng Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2013.
Ibig sabihin nito na napatunayan ng CA na hindi umano deputized ang MMDA na magpatupad ng batas upang manghuli ng mga taong naninigarilyo sa pampublikong lugar.
Pero batay sa rason ng MMDA, meron silang malinaw na deputatization mula sa Metro Manila Mayors at Health Department, kung kaya’t malakas ang kanilang loob na manghuli.
Katunayan, libo-libong mga ika nga “violators” ang kanilang nahuli dahil sa pagyoyosi sa public places.
Pero ano nga ba ang mahalaga rito, di ba tayo bilang mga mamamayan ay may kapangyarihang sitahin ang isang tao na walang habas na nagpapabuga ng usok sa mga matataong lugar.
Madali namang intindihin ang pakay lamang dito ng MMDA ay upang makatulong sila sa pagpapatupad ng batas upang hindi naman malagay sa kawawa ang mga non-smokers.
Tandaan natin na may dalang masamang epekto ang usok mula sa sigarilyo, ito man ay mismong hinihithit ng isang tao, o yaong mga ika nga mga second-hand smokers o yaong mga taga-langhap lamang ng usok.
Sabi nga, mas matindi pa nga ang epekto sa kalusugan kapag tayo ay taga-langhap lamang ng usok kesa sa mga naninigarilyo.
Ngayon, kami ay nagtatanon, bakit nga ba pagbawalan ang isang ahensiya na malaking naiaambag sa kaauyasan ng ating kapaligiran at kalusugan.
Tandaan natin, kahit na may batas tayo sa Pilipinas, ang puno’t-dulong problema sa atin ay ang pagpapatupad o ang tinatawag na enforcement.
Eh kung meron namang ahensiya na gustong magpatupad ng batas, dapat bang gipitin pa sila, di ba dapat ay mas lalo natin silang susuportahan.
Ang hirap kasi sa inyo, hindi kayo ang tagapatupad ng batas, at tanging taga-silip lang kayo sa legalidad ng batas.