Nanawagan ang pamilya Castillo ni hazing victim Horacio Castillo III sa pamunuan ng UST o University of Santo Tomas.
Ayon kay Carmina Castillo, ina ni Horacio, sana ay maging patas at mabilis ang imbestigasyon ng UST Faculty of Civil Law sa pagkamatay ng kanyang anak.
Umapela rin ang ina ni Horacio sa Aegis Juris Fraternity na tulungan silang makilala ang mga suspek para mapanagot ang mga ito sa batas.
Nakiusap pa ang pamilya sa mga kaklase at kaibigan ni Horacio na may alam na anumang impormasyon sa mga huling sandali ng kanilang anak na lumutang at makipagtulungan sa mga awtoridad.
‘Uber driver’
Samantala, lumutang na ang Uber driver na naghatid ng mga gamit ng hazing victim na si Horacio Castillo III sa kanilang bahay.
Maghahating gabi, nang magtungo sa tanggapan ng Manila Police District ang hindi pinangalanang Uber driver at isinalaysay kung paano nag-book ng Uber si Castillo at ipinahatid ang kanyang mga gamit sa kanilang bahay sa Makati.
Ayon sa driver humarap siya pulisya dahil nais niyang makatulong para maresolba ang kaso ng pagkamatay ni Castillo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ng Uber driver
Sinabi pa ng Uber driver na tila balisa si Castillo nang magkita sila.
Hindi rin aniya makakalimutan si Castillo dahil ito lamang ang tanging pasahero na gamit lamang ang ipinahatid sa bahay.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ng Uber driver
—-