Sisimulan na ng mga senador ang debate kaugnay sa bersyon ng Senado hinggil sa TRAIN o tax reform for acceleration and inclusion bill.
Ito’y makaraang ilatag na ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sonny Angara sa plenaryo ang naturang panukala kahapon.
Batay sa committee report ni Angara, exempted sa buwis ang mga kumikita ng hanggang isandaan at limampung libong piso (P150,000) kada taon gayundin ang 13th month pay na aabot sa walumpu’t dalawang libong piso (P82,000) at iba pang mga bonus.
Dahil dito, sinabi ni Angara na makikinabang sa tax exemption ang mga manggagawa na may taunang kita na hindi hihigit sa dalawampu’t limang libong piso (P25,000) kada buwan na mayroong apat na dependent.
Kabilang din sa naturang panukala ang mga reporma sa pagpapataw ng estate tax, donor’s tax, excise tax sa mga produktong petrolyo, sasakyan at mga matatamis na inumin tulad ng 3-in-1 coffee, instant juices at iba pa.
—-