Sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL at tax reform bill.
Kasunod ito ng ginanap na Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting kung saan tinalakay ang 4 na panukalang batas na isinusulong ng administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ipinag-utos ito ng Pangulo para mas mabilis na makalusot sa Kongreso naturang mga panukalang batas.
Kasama rin sa napag-usapan ay ang pag-amyenda sa Government Procurement Act at pagbuo sa Department of Housing and Urban Development.
Urgent bill din ang pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Abella, umaapela sa publiko na suportahan ang naturang panukalang batas na inaasahang dadaan na sa bicameral conference ng Senado at Kamara.
Nanindigan aniya ang Pangulo sa pagnanais nitong i-postponed ang eleksyon dahil sa paniniwalang maging ang mga lokal at barangay officials ay nagsisilbing protektor ng iligal na droga.
Una nang sinabi ng Pangulo, na wala na siyang planong magtalaga ng mga barangay official sakaling tuluyang makansela ang eleksyong pang-barangay.
(Ulat ni Jopel Pelenio)