Naitala ang Pilipinas sa bansang may pinakamataas na lebel ng impunity o kawalan ng hustisya dulot ng mga organized crimes at banta ng mga terorista.
Ito ay batay sa resulta ng pag-aaral ng 2017 Global Impunity Index ng Universidad de las Americas sa Mexico sa 69 na mga bansa kung saan nanguna ang Pilipinas at nakakuha ng 75.6 points.
Ayon sa report, ang bansa ay dumaraan sa pinaka-kritikal na sandali dahil sa pagtaas ng mga naitatalang karahasan na may kaugnayan sa mga organisadong krimen at mga teroristang grupo.
Ilan anila sa mga ito ay ang mga kaso ng pagpatay sa mga drug suspects at ang nagpapatuloy na kaguluhan sa Mindanao partikular sa Marawi City.
Pumangalawa naman sa Pilipinas ang India na nakakuha ng 70.94 points sa kanilang impunity level na sinundan ng Cameroon na may 69.39 points, Mexico – 69.21 points, Peru – 69.04; Venezuela – 67.24 points; Brazil – 66.72 points; Colombia – 66.67 points; Nicaragua – 66.34 points; Russia – 64.49 points; Paraguay – 65.38 points; Honduras – 65.04 points at El Salvador na may 65.03 points.
Ayon sa United Nations Commission on Human Rights, ang impunity ay tumutukoy sa kawalan o pagiging imposibleng maidaan sa paglilitis at kaparusahan ang mga nagkakasala sa batas.
—-