Kasama ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz ang 14-anyos na kaibigang si Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman nang magdeklara ng holdap sa taxi driver na si Tomas Bagcal.
Ito ay ayon mismo sa panibagong pahayag ni Bagcal, isang araw matapos na maisailalim siya sa protective custody ng NBI o National Bureau of Investigation.
Sa ibinigay nitong pahayag sa NBI, sinabi ni Bagcal na sumakay sina Arnaiz at De Guzman sa kanyang taxi sa Pasig City at nagdeklara ng holdap pagdating nila sa 5th Avenue.
Binawi rin ni Bagcal ang kanya naunang pahayag na may dalang baril si Arnaiz at sa halip sinabing kutsilyo ang itinutok sa kanya ng binata.
Kuwento pa ni Bagcal, natutulog si De Guzman habang sila ay bumibiyahe at nagising na lamang nang magkagulo at magdeklara na ng holdap si Arnaiz kung saan umiiyak ang 14-anyos na binatilyo at sinasabing hindi siya holdaper.
Sinabi pa ni Bagcal na nadakip niya sina Arnaiz at De Guzman sa tulong ng mga tambay at nang kanyang dalhin sa Caloocan City Police Community Precinct 2 ay patuloy pa ring binubugbog ng mga naka-duty na pulis hanggang sa isang senior officer aniya ang nagsabi na itapon na ang dalawa.
Dagdag ni Bagcal inihatid pa niya ang dalawang binata kasama sina PO1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita ngunit hindi na idinetalye ang nangyari matapos nito at sinabing sa NBI na lamang niya ihahayag ang mga pangyayari.
—-