Pagpapaliwanagin ng Philippine National Police (PNP) ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa magkaibang report nito ng bilang ng mga pro – Duterte na nagpunta sa Plaza Miranda noong National Day of Protest.
Ayon kay PNP Deputy Spokesperson Superintendent Vimellee Madrid, iimbestigahan nila kung bakit hindi nagtutugma ang mga inilabas na numero ng MPD.
Batay sa datos na ibinigay ng MPD sa media umabot sa 15,000 ang mga lumahok na taga suporta ng administrasyon sa National Day of Protest.
Ngunit sa ipinasa nitong report sa Kampo Crame nasa 7,000 lamang ang pro – Duterte ang naitala nilang nagtungo sa Plaza Miranda.
Sinabi pa ni Madrid, sisilipin nila ang drone shot ng pulisya sa Plaza Miranda para beripikahin ang totoong bilang ng mga nagpuntang taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte doon.
Nauna rito, sinabi ng MPD na umabot sa 18,000 ang pro – Duterte na nagtipon – tipon sa buong Maynila habang 13,000 naman ang mga anti – Duterte.