Binigyang diin ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board na may mabuting idudulot ang planong modernisasyon sa sektor ng transportasyon sa bansa.
Ito ang tugon ng LTFRB kasunod ng ikinasang tigil-pasada ngayong araw ng grupong Stop and Go Coalition bilang pagtutol sa naturang hakbang ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada, hindi nakikita ng Stop and Go ang dami ng mga pasaherong maisasakay ng isang modernong jeepney kumpara sa kasalukuyang anyo nito na iba-iba ang seating capacity.
Nagtataka si Lizada kung bakit tila ang Stop and Go at PISTON lamang ang tanging tumututol sa nasabing hakbang gayung suportado naman ito ng karamihan sa mga transport group.
—-