Inaasahang maghaharap ngayong araw sa pagdinig ng senado ang mga magulang nina Horacio ‘Atio’ Castillo III at John Paul Solano na itinuturong pangunahing suspek sa pagkamatay ng freshman law student.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, chairperson ng committee on public order and dangerous drug, layon ng pagdinig na mabigyang linaw ang mga nangyari kay Atio sa kamay ng sinalihang fraternity na Aegis Jvris sa UST o University of Santo Tomas.
Ani Lacson, nakahanda na si Solano na isiwalat ang lahat ng impormasyon tungkol sa isinagawang initiation rites ng nabanggit na fraternity dahilan upang masawi si Castillo.
Dagdag pa ni Lacson, magsisilbing daan ang nasabing pagdinig upang repasuhin ang umiiral na Anti – Hazing Law at mabigyan ito ng pangil para mapanagot ang sinumang masangkot sa hazing.
Nauna rito, nagtungo noong nakaraang linggo sa tanggapan ni Lacson si Solano upang sumuko at linisin ang pangalan nito sa kinasasangkutang krimen.