Payag ang mga cabinet member na dumalo sa isasagawang pagdinig ng senado sakaling ipatawag ang mga ito sa issue ng ‘redaction’ ng kanilang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kaugnay sa planong pagpapatawag sa mga miyembro ng gabinete na nagtago umano ng ilang detalye sa kanilang SALN.
Handa umanong makipagtulungan ang Palasyo sa imbestigasyon ng senado sa naturang isyu.
Patuloy aniya ang learning process ng gobyerno upang isaayos ang implementasyon ng Freedom of Information at Data Privacy Act.
Iginiit naman ni Abella na walang nilabag ang mga cabinet member sa isyu ng pagre – release ng kanilang mga SALN.
CSC sa SALN ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte
Labag sa guidelines ang ‘redaction’ o pagtatakip ng mga impormasyon sa SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth, tulad ng ginawa ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Assistant Commissioner Ariel Ronquillo ng CSC o Civil Service Commission na dapat isapubliko ang lahat ng impormasyong nasa SALN dahil ito ay mekanismo ng transparency ng mga nagtatrabaho sa gobyerno.
Ginagamit aniya ito upang makita kung nagpapayaman ang mga taga – gobyerno gamit ang kanilang mga puwesto.
Ipinunto ni Ronquillo na kung ikinakatuwiran ng mga cabinet member ay karapatan sa privacy, tanging ang address ang maaaring takpan sa SALN.
Samantala, aminado ang CSC official na hindi nila maaaring imbestigahan o sitahin ang anumang redaction sa SALN ng mga cabinet member dahil hindi nila saklaw ang mga Presidential appointee.