Ibinabala ng mga scientist ang posibleng pagkalat ng super malaria sa Southeast Asia at sa ibang panig ng mundo.
Ayon sa Mahidol-Oxford Tropical Medicine Research Unit sa Bangkok, isang malaking banta para sa lahat ang pagkalat ng malaria parasite na hindi napapatay ng mga pangunahing gamot laban dito.
Anila, unang natuklasan ang super malaria sa Cambodia at kumalat na rin sa ilang bahagi ng Thailand, Laos at Southern Vietnam.
Sa kanilang ginawang pag-aaral, nakitang ang bagong strain ng malaria ay naging resistant na sa mga pangunahing anti-malaria drug na artemisinin at piperaquine.
Kanila ring napuna ang mabilis na pagkalat ng nasabing malaria strain kung saan kanilang ikinababahala na umabot sa Africa.
Sa kasalukuyan ay kanila nang minamadali ang pagbuo ng gamot laban sa super malaria bago pa lumala ang sitwasyon.
—-