Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency na kanilang na-monitor ang mga aktibidad ng dalawang international syndicates na tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng pagpapakalat ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, hindi lamang problema ng Pilipinas ang mga iligal na aktibidad ng Chinese Triad na 14k at Taiwanese Triad na United Bamboo.
Noon pa anya nag-o-operate sa Pilipinas ang mga nabanggit na organized crime group batay sa mga intelligence report subalit sadyang makapangyarihan at maimpluwensya ang mga nabanggit na grupo kaya’t mahirap mahuli.
Samantala, nilinaw naman ng Taipei Economic and Cultural Office na hindi kailanman naging source ng illegal drugs ang Taiwan taliwas sa pahayag ni Pangulong Duterte.