Inirekomenda na ng House Ways and Means Committee ang pagbuwag sa Bureau of Customs sa gitna ng kinakaharap nitong kontrobersya hinggil sa katiwalian at pinaka-malaking shabu shipment sa kasaysayan ng bansa.
Ang rekomendasyon ay kabilang sa committee report na isinumite sa rules committee matapos imbestigahan ang smuggling 6 Billion Pesos na halaga ng shabu na ipinuslit mula China.
Ayon kay Ways and Means Committee Chairman at Quirino Lone District Rep. Dakila Carlo Cua, masyado ng laganap ang ‘tara system’ sa Aduana kaya’t minabuti nilang irekomenda ang pagbuwag sa customs.
Inirekomenda rin ang paglikha sa dalawang ahensyang magtutuloy sa tungkulin ng B.O.C. na revenue collection, border control at police power.