Suportado ng Motorcycle Rights Organization o MRO ang Republic Act 10666 o ang batas na nagbabawal sa pagsasakay ng mga bata sa motorsiklo.
Ayon kay Jobert Bolanos, Pangulo ng MRO, napapanahon ang batas na makakabawas sa panganib na dala ng hindi tamang paggamit sa motorsiklo lalo na sa pagsakay ng mga bata.
Gayunman, dalawang bagay aniya ang nais nilang mabigyan ng linaw sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations kabilang dito ang probisyon sa pagkapit sa baywang ng angkas na bata sa motorsiklo.
“Dapat malinaw kung anong difference ng wrap and grasp because the interprepation of the law can always confuse people especially enforcement, baka yung mga hindi dapat hulihin ay mahuli, and then another factor po ay ang paggamit po ng head protection, hindi naman po puwedeng ipasuot natin sa mga bata ang mga helmet na pang adults, kakalog-kalog ‘yan.” Ani Bolanos.
Tiniyak rin ni Bolanos na babantayan nila ang pagpapatupad ng RA 10666 upang matiyak na hindi ito magagamit ng mga tiwaling law enforcers para gatasan ang mga motorcycle riders.
“Ako naniniwala ako na hangga’t hindi malinaw ang certain provisions ng isang batas subject ‘yan to the misinterprepation of the enforcement, maraming kalituhan ang mangyayari diyan, aware naman po tayo sa mga nangyayaring hanapang butas kung tawagin na apprehension, maaaring maging butas ito, huwag naman po nating isiping extortion pero ganun na po ang nangyayari.” Paliwanag ni Bolanos.
By Len Aguirre | Ratsada Balita