Tumanggi ang MPD o Manila Police District na kumpirmahin kung maituturing na ebidensya ang tatlong paddle na kanilang narekober sa Aegis Juris library kahapon.
Ayon kay MPD Spokesman Police Superintendent Erwin Margarejo, bahagi ito ng kanilang legal na stratehiya upang hindi mabulelyaso ang kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Paliwanag pa ni Margarejo dapat unawain ng publiko kung bakit hindi muna nila ihahayag ang mga impormasyon sa mga ebidensya na kanilang nakuha kung saan maari itong magamit sa Korte para makasuhan ang mga sangkot sa krimen.
Nauna rito, nagpalabas ng search warrant ang Manila Regional Trial Court kahapon upang pahintulutan ang mga operatiba ng MPD na magsagawa ng pagsaliksik sa loob ng Aegis Juris library kung saan pinaniniwalaang isinagawa ang hazing kay Atio.