Tatlumpung (30) checkpoint ang simulang ipakalat ng NCRPO o National Capital Region Police Office sa pagsisimula ng implementasyon ng gun ban kahapon.
Kasunod ito ng pag-iral ng election period para sa Sangguniang Kabataan at barangay elections.
Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, naglagay ng gun ban sa 16 na syudad sa kalakhang Maynila at sa lahat ng istasyon ng pulis sa Maynila at Quezon City.
Hindi aniya exempted sa gun ban ang mga pulis at opisyal ng gobyerno na hindi naka-uniporme at hindi naka-duty.
Magtatagal ang gun ban hanggang Oktubre 30.
***
Halos walang ipinagkaiba ang ipinatutupad na regular checkpoint ng mga awtoridad kaysa sa implementasyon ng gun ban na nagsimula kahapon.
Sinabi sa DWIZ ni Quezon City Police District o QCPD Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na hindi lamang ngayon uubrang magdala ng baril kahit pa mayroong kaukulang papeles dahil sa gun ban kaugnay sa pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections.
“Ngayon nga lamang kung dati ay meron tayong mga motorista na may dalang baril na may kaukulang papeles, lahat ng permit to carry have been revoked dito po sa duration ng gun ban, yan lang ang pagkakaiba, ang guidelines ay pareho pa rin kagaya ng ating mga dinessiminate ng mga unang checkpoint natin noong nasa state of emergency and lawlessness na dineclare sa ating bansa.” Pahayag ni Eleazar
Samantala, arestado ang hinihinalang “riding in tandem” sa Rodriguez, Rizal kasabay ang unang araw ng pagpapatupad ng nationwide gun ban at checkpoints ng Commission on Elections o COMELEC bilang paghahanda sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na gaganapin sa Oktubre 23.
Kinilala ang dalawang suspek na sina William Datiles at Rodrigo Bautista na nakuhanan ng isang 9mm pistol, mga bala, tatlong pakete ng shabu at sari-saring drug parapheranalia.
Ayon kay Rodriguez Police Chief Supt. Hector Grujado, sakay ng motorsiklo ang dalawa ng parahin nila ito sa checkpoint ngunit imbes na huminto ay dumiretso ang mga suspek kaya hinabol ng mga awtoridad hanggang sa abutan nila ang mga ito sa harap ng Rodriguez Police Station.
Samantala, madadagdagan pa ang checkpoints para paigtingin pa ang gun ban.
Judith Larino / (Balitang Todong Lakas Interview)