Inamin ng isang contractual employee at umano’y “bag woman” sa Bureau of Customs o BOC na naka-kolekta siya ng pera nang tatlong beses, partikular tuwing araw ng Biyernes na para sa dalawang opisyal ng ahensya na sina Customs Intelligence Officer Joel Pinawin at dating Customs Intelligence and Investigation Service Director Neil Anthony Estrella.
Sa pagharap ni May Escoto sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ngayong araw ay kinumpirma nitong may contact siya kay Customs broker Mark Taguba.
“Kino-confirm mo ba yung mobile number 0916-5059713 na sayo ito?” Tanong ni Senator Lacson
“Yes, your honor,” Sagot naman ni Escoto
Aniya April 7 nang utusan siya ni Pinawin na tawagan si Taguba.
“Tinawag po ako ni Sir Joel Pinawin sabi niya sakin tawagan mo si Mark Taguba at ito sabihin mo…yung para kay director at sa akin,” Ani Escoto
Sinabi ni Escoto na hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ni Pinawin sa naging utos nito.
“Hindi ko naman po siya matawagan kasi maaga pa nun. Hindi ko kasi siya ganun ka-close kaya tinext ko na lang po siya sabi ko, ‘Happy morning. Remind ko lang po ‘yung kay sir Joel at kay director,'” Ani Escueto
Paglalahad ni Escoto, nakatanggap siya ng dalawang envelope na may mga pangalan nina Pinawin at Estrella.
“Sabi niya (Pinawin) “kunin mo na”, eh wala rin naman akong choice kaya napilitan ako pumunta sa office ni sir Mark,” Dagdag ni Escoto
Faeldon ‘no show’ pa rin sa pagdinig
Muling tumanggi si Dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na dumalo sa pagdinig ng senado kaugnay sa mahigit anim na bilyong pisong shabu shipment mula sa China na nakalusot sa Customs.
Ipinabatid ito ni Senador Richard Gordon sa muling paggulong ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Si Faeldon ay nananatiling nasa kustodiya ng senado dahil sa bigong pagdalo sa naturang pagdinig.
—-