Hawak na ng Federal Bureau of Investigation o FBI ang Filipina-Australian na si Marilou Danley, kasintahan ng suspek sa mass shooting incident sa Las Vegas, Nevada na si Stephen Paddock.
Agad sinalubong si Danley ng mga FBI agent at pulis sa Los Angeles International Airport, sa California nang dumating ito kahapon mula sa Pilipinas.
Nilinaw ng US government na bagaman hindi pa inaalis si Danley bilang person of interest, sasailalim pa rin ito sa malalim na imbestigasyon upang mabatid kung bakit nagpadala sa kanya si Paddock ng 100,000 dollars.
Ipinadala ang pera ilang araw bago isagawa ng 54 anyos na suspek ang pinaka-malagim na mass shooting at massacre sa kasaysayan ng Amerika.
Danley’s statement
Nagpalabas na ng kanyang pahayag ang Pilipinang partner ng suspek sa pamamaril sa Las Vegas na si Stephen Paddock.
Binasa ni Atty. Matt Lombard ang statement ng kanyang kliyenteng si Marilou Danley.
Sinabi ni Danley na devasted siya sa nangyari at ipinagdarasal niya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.
Tinukoy ni Danley na mabait at mapagkalingang lalaki si Paddock kaya niya minahal ito.
Wala aniya siyang nakitang anumang senyales o narinig man lamang kay Paddock na may plano itong karumal-dumal.
Dalawang linggo na aniya ang nakalipas nang sabihin ng suspek na binilhan siya nito ng murang ticket pauwi ng Pilipinas para makita niya ang kanyang pamilya.
Kinumpirma pa ni Danley na habang nasa Pilipinas ay pinadalhan siya ng pera ni Paddock para ipambili umano ng bahay .
Ang ticket pauwi at perang pambili ng bahay ay inakala pa umano niyang paraan ni paddock para makipaghiwalay sa kanya.
Nagkusa umano siyang bumalik sa Amerika upang harapin ang mga awtoridad.
Nangako pa si Danley na makikipagtulungan siya sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Matatandaang halos 60 ang namatay habang higit 500 ang nasugatan nang paulanan ni Paddock ng bala ang mga dumadalo sa isang concert party sa Las Vegas.
(Rianne Briones / Ulat ni Raoul Esperas)