Nagpapagod at nasasayang lamang ng oras si Senador Antonio Trillanes.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa aniya’y pagpupumilit ni Trillanes na sirain ang kanyang reputasyon kaugnay ng umano’y bilyon-bilyong tagong-yaman niya.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi maaaring magamit bilang ebidensya sa isang impeachment proceedings ang mga umanong nakuhang dokumento ni Trillanes dahil nakuha ito sa iligal na paraan.
Paliwanag pa ni Pangulong Duterte, kapag nalaman ng hukuman na galing sa nakaw ang mga isinapublikong dokumento ni Trillanes, totoo man o hindi ay agad na ibabasura ito ng Korte.
Hindi na rin aniya siya pipirma sa panibagong waiver dahil inuuto na lamang siya ni Trillanes.
Samantala, hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga heneral ng AFP o Armed Forces of the Philippines at PNP o Philippine National Police na silipin at busisiin ang kanyang bank accounts.
Sa kanyang pahayag sa AFP – PNP Command Conferece sa Malakanyang, sinabi ni Pangulong Duterte na maaaring dumirekta ang mga heneral sa tanggapan ng AMLC o Anti-Money Laundering Council para malaman kung totoong may bilyon-bilyong piso siyang bank accounts.
Dagdag ng Pangulo, sakaling mapatunayan ng AFP at PNP generals na may ganoon siyang kalaking halaga ng pera, ay agad siyang ipatanggal ng mga ito bilang pinuno ng bansa.