Pinapurihan ng Minority Bloc sa senado ang binuong PACC o Presidential Anti-Corruption Commission ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maganda ang naturang hakbang ng Pangulo kung ang layunin nga nito ay matulungan siyang imbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian sa Presidential appointees.
Gayunman, nilinaw ni Drilon na hindi maaaring sakupin ng inilabas na Executive Order 43 ni Pangulong Duterte ang mga nasa labas ng ehekutibo dahil lalabag na ito sa independence at check and balance sa pamahalaan.
Kasunod nito, iginiit ni Senate President Koko Pimentel na hindi maaaring gamitin ang itinatag na anti-corruption commission para disiplinahin ang isang independent body tulad ng Ombudsman.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, inaatasan ng Pangulo ang PACC na isailalim sa lifestyle check at fact finding inquiries ang lahat ng Presidential appointees sa loob at labas ng ehekutibo.
Binubuo ng isang chairman at apat na miyembro ang PACC na may kapangyarihan na mag-rekomenda agad sa Pangulo kung papatawan o hindi ng suspensyon ang isang inirereklamo sa sandaling maihain ang kaso.
Mayroon din itong kapangyarihan na kahalintulad ng sa Ombudsman para magsagawa ng motu propio investigation laban sa isang inaakusahan ng korapsyon.