Higit 100,000 mga sasakyan sa ilalim ng bagong sistema ng transportasyon ang patok na patok ngayon sa bansa.
Namamayagpag ang mga sasakyang nasa ilalim ng tinatawag na TNVS o Transport Network Vehicle Service sa Metro Manila at iba pang pangunahing lungsod.
Sa ilalim ng TNVS ay ang mga TNC o Transport Network Companies tulad ng Uber, Grab at U-Hop.
Ang mga kumpanyang ito ang nasa likod ng ride sharing application na siyang ginagamit ng mga driver partner at mga commuter.
Dahil dito ay maituturing na ngang stress – free ang paghahanap ng masasakyan anumang oras gamit ang mga pribadong sasakyan kabilang ang mga high – end vehicles.
Kasabay naman ng pagdagsa ng TNC ay ang pagtindi ng daloy ng trapiko dahil sa dami ng mga sasakyan sa kalsada.
Kasama pa ang matinding dagok sa industriya ng taxi at mga drayber nito.
‘Kwento ni Mang James, isa nang driver partner ng TNC’
Kagaya na lamang ni Mang James Bugtong na halos limampung (50) taon nang drayber ng jeepney, taxi at ngayon ay driver partner na ng isang Transport Network Company.
Sa pagdaan ng panahon, naisipan naman ni Mang James na baguhin ang uri ng sasakyan na gagamitin sa kanyang hanapbuhay.
Ibinenta niya ang kanyang jeepney at bumili ng sasakyan na gagamiting taxi na kinuhanan niya ng prangkisa na nagkakahalaga ng P150,000.00.
Gayunman, matapos ang anim na buwan, natuklasan ni Mang James na peke ang prangkisang kanyang nabili.
Dahil dito, nawalan ng pagkaka-abalahan at hanapbuhay si Mang James.
Kaya naman nang magkaroon ng kotse ang kanyang anak, naisip nyang ipasok ito sa Uber.
Ibang-iba ang naging karanasan ni Mang James sa ilalim ng Uber.
Hindi katulad ng masalimoot na proseso ng pagkuha ng prangkisa sa taxi, naging swabe ang proseso ng kanyang pagpaparehistro sa ilalim ng Uber Philippines.
Aniya, wala pang isang oras ang itinagal niya sa tanggapan ng Uber para sa kanyang aplikasyon.
Sumailalim siya sa briefing kung saan tinukoy ang ilang rules at regulations ng Uber.
Sa loob naman aniya ng 24 oras ay na-activate na siya para mapamasada sa ilalim ng naturang Transport Network Company.
Hindi din tulad ng magastos na pagkuha ng prangkisa, walang naging cash out si Mang James sa kanyang pagsali sa Uber.
Mayroon aniyang P4,000.00 ngunit ibabawas ito sa kanyang account kapag nagsimula na siyang magbyahe.
Hindi sanay sa ganitong sitwasyon si Mang James, palibhasa ay batikang drayber ng mga Public Utility Vehicles ay diskumpyado siya na sa simpleng naging proseso iyon ay maaari na siyang tumakbo at mamasada.
Kumikita ta si Mang James ng P3,000.00 hanggang P6,000.00 kada araw sa Uber.
Bagama’t ibabawas pa dito ang konsumo nya sa gasoline, ay mas malaki pa din aniya ito kumpara sa kanyang kinikita sa pagba-biyahe ng jeep at taxi.
Sa kabila ng malaking kita, ang talagang target ni Mang James ay ang incentive na ibinibigay ng Uber.
Halimbawa nito ay nang ma-target ni Mang James ang 70 byahe na nagbigay naman sa kanya ng P4,500.00.
Minsan pa nga aniya ay mayroon pang surprise gift ang Uber sa mga drayber nito.
May paraan din ang Uber upang masigurong disilpinado ang mga driver partner nito.
Ayon kay Mang James, maaring bigyan ng ratings ng mga pasahero ang kanilang Uber driver rating gayundin ang mga drayber sa kanilang mga mananakay.
Nagbababala din ayon kay Mang James ang Uber sa tuwing may reklamo ang mga mananakay.
Nagre-reflect din aniya ito sa kanila dahil maari itong makita sa reviews ng mga rider.
Maligaya si Mang James dahil sa kanyang pagmamaneho sa Uber, ay tila muli siyang nabigyan ng dignidad sa kanyang trabaho.
Pinatunayan ni Mang James na hindi nagpabaya ang Uber sa kanilang mga driver partner.
Aniya noong sinuspinde ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay nakatanggap siya ng ayuda mula sa Uber.
Nakatanggap siya dito ng P400.00 kada araw sa loob ng 15 araw na suspendido ang Uber.
Gayunman, aminado si Mang James na blangko siya kung ipinagbabayad sila ng buwis ng Uber.
‘Simula ng Uber’
Tinatawag na revolutionary ng mga eksperto ang ideyang TNVS o Transport Network Vehicle Service ng magkaibigang sina Garret Camp at Travis Kallanick na mula sa San Francisco, California sa Amerika.
Ang napakasimpleng ideya sa pagtawag ng masasakyan gamit ang mobile application ang nagdala sa magkaibigan para sa multi – bilyong dolyar na negosyo na tinatangkilik naman sa mga pangunahing siyudad sa buong mundo.
Ang Uber ang siyang nagbukas sa mundo sa iba pang kumpanya na tinatawag na TNVS o Transport Network Service Company.
Taong 2009 nang mabuo ang ideya ni Camp nang mapanood niya ang James Bond movie, kung saan tina-track ng bida ang isang sasakyan sa pamamagitan ng kanyang cellphone.
Naisip ni Camp, bakit hindi kaya gawin ito sa hinihintay na taxi?
Noong una ay hindi ito iniintindi ni Kallanick dahil hindi niya nakikita ang pangangailangan para rito.
Ngunit nang maranasan ni Kallanick kasama si Camp na masigawan ng kanilang sinasakyang taxi sa Paris ay sumidhi ang pagnanais nila na magkaroon ng mas maayos na serbisyo sa transportasyon.
Sa pagbalik ng dalawa sa Amerika, nagpursige silang i-develop ang Uber, ngunit sa halip na kumuha ng fleet ng mga mamahaling sasakyan, naisip ni Kallanick na kunin ang serbisyo ng mga limousine driver na dating nag-o-operate sa siyudad.
Tinutukan ng naturang platform ang pagbibigay kombinyenteng serbisyo ng transportasyon gamit ang mga luxury vehicles.
‘Simula ng Grab’
Nagsimula naman ang grab bilang booking application para sa taxi, limousine at motorbikes.
Taong 2012 nang simulan nina Anthony Tan at Hoo Ling Tan ang naturang location based on demand application.
Unang sumibol sa Malaysia ang Grab na kinalaunan ay kumalat at pumatok sa buong timog silangang Asya kasama na ang Pilipinas.
Nakilala ang Grab bilang Grab-Taxi dahil nakatutok ito sa pagdi-dispatch ng mga taxi sa pamamagitan ng Grab application.
Noong 2014, isinama ng Wall Street Journal ang Grab sa kanilang Billion Dollar Start Up Club na nagdala sa naturang application company bilang isa sa mga nangungunang kumpanya sa Southeast Asia.
Agosto ng taong 2014 nang pasukin ng Grab ang Pilipinas, una itong sinubukan sa Metro Manila, Cebu City, Davao City at Iloilo City.
Dito din sa Pilipinas sinimulan ng Grab ang kanilang tinawag na Grabcar Plus, sa ilalim nito, sa halip na taxi ay high end o mamahaling sasakyan ang maari sumundo sa commuter.
Ang California sa Amerika ang kauna-unahang estado na nag-regulate at naglagay ng kategoryang TNV o Transport Network Vehicles sa mga kumpanyang tulad ng Grab at Uber.
Taong 2013 nang magkaroon ng ruling ang California Public Utilities Commission para isama sa regulasyon ang papasikat na ride – sharing application.
Iginiit ng naturang regulating body na hindi maaring i-exempt ang mga Transport Network Company sa umiiral na batas sa transportasyon kahit pa sabihin na sila ay application lamang.
Ayon sa artikulong lumabas sa times.com, tinukoy dito na hindi pipigilan na mag-biyahe ang mga pribadong sasakyan sa California kung sila ang mag co-comply sa requirements na ipinapataw sa mga pampublikong sasakyan.
Matapos na ipatupad ng California ang regulasyon sa mga TNVS ay sinundan na ito ng iba pang siyudad sa Amerika at siyudad sa mundo.
‘TNVS vs Taxi’
Kaginhawaan at makabagong karanasan sa transportasyon ang idinulot ng mga Transport Network Companies sa mga mananakay, ngunit sinapul naman nito ang industriya ng taxi.
Aminado si Philippine Taxi Operators Association President Bong Suntay na malaki ang ibinagsak ng taxi industry sa panahon ngayon.
Ngunit bukod sa mga TNVS, pangunahing dahilan nito ay ang walong (8) taon nang walang paggalaw sa pasahe sa taxi.
Ipinaliwanag ni Suntay na mas maraming taxi na ngayon ang nakatambak na lamang sa mga garahe dahil wala nang mga drayber na naglalabas nito.
Aminado si Suntay na kaya lumilipat ang mga drayber ay dahil sa mas malaking kita sa Uber at Grab gayong sa mga taxi ay paliit na ng paliit.
Noong taong 2010, sinabi ni Suntay na nakapag-uuwi pa ang isang drayber ng taxi ng hanggang P2,000.00 para sa 24 oras na biyahe.
Noon ding panahong iyon ay pumapatak pa ng P1,500 ang boundary sa 24 oras na biyahe ng taxi.
Malaking-malaki ang pagkakaiba nito sa kanilang kinikita sa panahon ngayon, ang boundary sa taxi ay ibinaba na rin sa P1,300.00 para lamang may maglabas nito habang ang naglalaro na lamang sa P600.00 hanggang P800.00 ang kita ng mga taxi driver sa ngayon.
Pinalagan ni suntay ang tila hindi pantay na pagtingin ng gobyerno sa mga taxi at TNVS.
Aniya, bago lumarga ang isang taxi ay kinakailangan na dumaan ito sa sandamakmak na proseso sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Office.
Ayon kay Suntay, kinakailangan mag-aplay ng prangkisa sa LTFRB kabilang sa requirements nito ay ang pagpapakita ng financial capacity para makapag-operate ng tax.
Kailangan aniya ay may garahe para sa sasakyan na iinspeksyunan din ng ahensya.
Kapag nabigyan ng prangkisa ay dapat na tadtarin na ng markings ang taxi, pakabitan ng metro at kumuha ng insurance.
Lahat ng ito ay dapat na gawin bago pa maipasada ang isang taxi at tumatagal ng lima hanggang anim na buwan ang proseso.
Aabutin pa aniya ng halos P10,000.00 bago pa makapag-biyahe ang isang taxi.
Tinukoy ni Suntay, habang ang taxi ay dumadaan sa magastos at mahabang proseso ay naging napakadali naman para sa mga pribadong sasakyan na makapag-biyahe at magsakay sa ilalim ng mga TNVS.
Habang ang mga taxi ay natulog na sa P40.00 na flat rate ang singil sa pasahe, ang Uber at Grab naman ay may sariling presyuhan batay sa pagkalkula ng kanilang system.
May tinatawag pa aniyang price surge ang naturang mga TNC kung saan tumataas ang pasahe depende sa dami ng demand at sa sitwasyon ng trapiko.
Hindi lingid sa kaalaman ni Suntay na maraming reklamo laban sa mga taxi driver.
Aniya, naiintindihan niya ang posisyon ng publiko sa kanilang mga hinaing sa mga taxi driver.
Ayon kay Suntay, masosolusyunan ito kung ang pasahe sa taxi ay tataasan upang makakuha ng de kalidad na mga drayber.
Noong 1989 ay wala pa umanong gaanong reklamo ang mga mananakay sa mga drayber ng taxi dahil malaki pa ang kita sa pagta-taxi.
Mayroon pa nga aniya silang mga college graduate na mga drayber dahil malaki ang kita sa pagmamaneho kaysa sa ordinaryong empleyado kaya marami ang sumusubok nito.
Positibo si Suntay na kung mapagbibigyan ng gobyerno ang taxi industry na magtaas ng kanilang pasahe ay malaki ang magiging pagbabago nito sa kanilang operasyon maging sa mga drayber.
Sa kabila ng mga pagdagsa ng mga Transport Network Companies ay naniniwala pa din si Suntay na hindi tuluyang mawawala ang mga taxi sa mga kalsada.
Aniya, maliit na porsyento lamang ng populasyon ang sumasakay ng Uber at Grab dahil marami pa rin ang sumasakay sa mga jeep, bus, MRT/LRT at mga taxi.
Mananatili aniya ang bahagi pa rin ng populasyon ang mas gustong sumakay sa tradisyunal na taxi.
‘Aksyon ng LTFRB’
Tila naabuso sa Pilipinas ang dating ride – sharing application.
Natuklasan ng LTFRB o Land Transport Franchising Regulatory Board na higit 100,000 mga sasakyan sa ilalim ng Transport Network Companies ang nagba-biyahe sa lansangan ng Metro Manila at iba pang mga pangunahing lungsod sa buong bansa.
Isinisi ito sa mga indibwal na naki-uso sa pag lo-loan ng kotse kung saan pagkatapos na mailabas sa kasa at maiparehistro sa Uber, Grab at U-Hop ay maaari nang magsimulang pagpasada.
Sa tala ng LTFRB, mula sa higit 100,000 mga TNVS, 14,000 hanggang 15,000 lamang dito ang mayroong prangkisa.
Nagulat din ang ahensya nang malaman na mayroong mga operator ng Transport Network Companies ang mayroong pag mamay-ari ng hanggang 50 sasakyan.
Iba’t ibang pagbatikos ang inabot ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board nang pagbayarin ng multa ang Uber ngunit sa kabila nito ay nanindigan ang ahensya na dapat na dumaan sa kanila ang lahat ng mga sasakyang na nagse serbisyo sa publiko.
Hindi maaring palampasin ang mga TNVS, ayon kay LTFRB Spokerson at Board Member Atty. Aileen Lizada, bagama’t application lamang ang mga ito ay itinuturing ang mga itong PUV’s o Public Utility Vehicles.
Kaya tulad ng mga jeepney, bus, taxi at iba pang mga sasakyan pampubliko ay kinakailangan silang dumaan sa inspeksyon at proseso na itinalaga ng gobyerno.
Paliwanag ni Lizada, hindi maaring tanggapin ang katwiran ng mga transport network companies na sila ay ride hailing application lamang dahil malinaw na sila ay transport provider.
Noong taong 2015, naglabas ng memorandum circular ang LTFRB, kasunod ng pagdami ng mga nagbababyaheng TNVS sa kalsada.
Binigyang-diin ng DOT o Department of Transportation ang kinakailangan na iregulate ng gobyerno ang biglang pagdami ng mga sasakyan sa ilalim ng TNVS at ang kanilang pasahe.
Mahalaga din aniyang masiguro na ang naturang mga kumpanya ay nagbabayad ng buwis at mayroong kaukulang garahe para maiwasan ang pagpa-park sa mga kalsada na nagpapasikip naman sa mga kalsada.
Ipinaliwanag ni Atty. Aileen Lizada ang proseso ng pagkuha ng prangkisa ng TNVS.
Ang Transport Network Companies ay nagpapa-accredit sa LTFRB bilang TNVS.
Sa ngayon ay tatlo lamang na TNC ang siyang kinilala ng gobyerno ito ay ang Uber, Grab at U-Hop.
Ang naturang mga TNC ay siya namang dapat na mag-screen sa mga partner driver na nagbabalak sa kanilang magpa-miyembro.
Kabilang sa mga kailangang i-secure ng mga nagnanais na maging drayber operator sa ilalim ng mga TNVS ay ang pagkakaroon ng valid ID, may edad 21 pataas at iba pa.
Kung sila ay ma a-accredit na, saka sila maaring mag-aplay ng TNVS franchise sa LTFRB.
Bago ang mismong prangkisa ay iisyuhan ang mga TNC driver partner ng provisional authority bago tuluyang naisyuhan ng Certificate of Public Convenience Franchise.
Binigyang diin ni lizada na tulad ng taxi ay kinakailangan ding makita ng ahensya ang garahe ng mga nag a-aplay para sa prangkisa.
Sa ganitong paraan ay masisiguro na hindi magpapasikip sa mga kalsada ang dagdag na sasakyan.
Dahil sa mas mahigpit na pagpapatupad ng pagkakaroon ng prangkisa sa mga TNVS, sinisiguro nito na magsusumite ng income tax return ang mga operator gayundin ang mga partner driver.
Kabilang sa mga bagong regulasyon na ipatutupad ng LTFRB sa mga TNVS ay ang insurance sa mga drayber at pasahero.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada ng LTFRB, parehong mayroong insurance ang kumpanyang Uber at Grab ngunit mas komprehensibo aniya ang sa Grab.
Ngunit sa bagong regulasyon na nakatakdang ilatag ng ahensya ay dapat na magkaroon ng pantay na insurance coverage at benefit ang mga kumpanya sa ilalim ng TNVS.
Hindi na din papayagan ng LTFRB ang pagkakaroon ng fleet sa mga Uber, Grab at U-Hop.
Aminado si Atty. Aileen Lizada na marami ang nag-loan ng mga bagong kotse para ipasok sa naturang mga application na ngayon ay nagkakaroon naman ng epekto sa trapiko.
Kaya naman, sa ngayon dalawa hanggang sa tatlo lamang ang papagayagang pagma-may-ari ng isang operator.
Dagdag pa dito ang pagpapataw ng moratorium sa bilang ng mga sasakyan sa ilalim ng TNVS.
Aminado si Lizada na marami sa mga nasa ilalim ng Uber at Grab ay mga hulugang sasakyan pa kaya naman pinag-aaralan na ilagay sila bilang shuttle o kaya naman ay tourist service.
Siniguro naman LTFRB na hindi nila papabayaang maagrabyado ang mga taxi sa usapin sa pasahe.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, kontrolado na sa time-two ang surge price ng mga TNVS.
Kasabay nito ay magpapatupad na rin ng bagong kwnetahan sa pasahe sa taxi.
Ang bagong paraan ay batay sa fare computation ng mga Uber at Grab kung saan hindi na nagbabase sa waiting time bagkus ay sa running time ng taxi.
Writers’ Note:
Patuloy ang pagbabago ng panahon.
Kasama dito ay ang pag-usad ng teknolohiya kung saan pinasok na rin ang industriya ng transportasyon.
Sa tindi ng trapiko sa panahon ngayon, malaking kabawasan sa paghihirap na dinadanas ng mga commuter kung ang pagtawag ng kanilang masasakyan ay pwede nang gawin sa kanilang mga smartphone.
Kasabay nito, malaking hamon naman sa gobyerno kung paano ire-regulate ang mga Transport Network Vehicle Services na dumagsa at nagpapasikip sa dati nang matrapik na kalsada sa bansa.
PAKINGGAN: SIYASAT: ‘Transport Network Vehicle Services (TNVS), Ginhawa o Pahirap?’