Aminado ang Armed Forces of the Philippines o AFP na maluwag ang batas ng Pilipinas laban sa terorismo.
Ito ay matapos sabihin ni Russel Salic, ang Pilipinong suspek sa tangkang pagpapasabog sa New York City, na ginagawang breeding ground ng mga terorista ang Pilipinas dahil sa maluwag na mga batas nito.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Eduardo Año, ito ang sinasamantala ngayon ng mga grupo ng terorista at kriminal sa Pilipinas.
Dahil dito, isinusulong ngayon ng AFP sa Kongreso na amyendahan ang kaksalukuyang Human Security Act para magka-pangil ang batas kontra terorismo.
Inihalimbawa din ni Año ang Singapore, Amerika, Malaysia at Australia, na may mahigpit na internal security act.
Kung saan aniya, maaaring arestuhin ang isang indibidwal kahit pinaghihinalaan pa lamang ito at walang arrest order.