Malawak ang koneksyon ng tinaguriang Daesh doc na si Dr. Russell Salic sa mga terror group sa ibat-ibang panig ng mundo.
Ito ay ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Major General Restituto Padilla, batay sa mga impormasyon mula sa International Police Organization o INTERPOL at iba pang allied intelligence agency.
Ani Padilla, ilan sa mga koneksyon ni Salic ay nasa Middle East at Estados Unidos.
Batay din aniya sa impormasyong nakuha ng Estados Unidos, nakakuha ng pondo si Salic para sa tatlong indibidwal na magsagawa ng terror plot sa New York dahilan kaya hinihiling ang pag-extradite dito.
Koneksyon ni Dr. Rusell Salic sa grupong Maute
Kinumpirma ng AFP ang koneksyon sa Maute terror group ni Rusell Salic.
Ayon kay Major General Restituto Padilla, si Salic ang nagbibigay ng pondo at materyales sa Maute group nang makabakbakan sila ng militar sa Butig, Lanao del Sur noong 2016.
Sinabi ni Padilla na ‘doktor’ ang tawag ng Maute kay Salic dahil siya ang tiga-gamot sa mga nasusugatan sa labanan.
Si Salic ay sumuko sa National Bureau of Investigation o NBI noong Abril dahil sa mga banta sa kanyang buhay.
Kamakailan ay kinasuhan siya dahil sa pagkakasangkot sa tangkang pagpapasabog sa subway ng New York at sa Times Square.
Ito’y matapos matuklasan na naglipat ng mahigit sa apat na raang dolyar ($400) si Salic sa dalawa pang mga suspek upang pondohan ang operasyon.