Pino-proseso na ng Department of Justice o DOJ ang extradition request ng US government laban kay Dr. Russel Salic na sinasabing kaalyado ng Maute terrorist group.
Si Salic, 37-anyos, ay kabilang sa tatlong suspek na kinasuhan sa US dahil sa pagpa-plano ng terror attacks sa New York City makaraang madiskubre na nagpapadala ang doktor ng pondo sa Amerika na gagamitin sana sa pag-atake.
Sumailalim din ang doktor sa preliminary investigation ng DOJ dahil sa kasong kidnapping at murder.
May kaugnayan naman ito sa kanyang pagkakasangkot sa mga pagdukot at pamumugot ng Maute group sa ilang bihag nito sa Iligan City noong Agosto.
Kabilang sa complainants sa kaso ni Salic sina Gabriel Tomatao Permitis, Alfredo Sarsalejo Cano-Os, Esperanza Permitis, Adonis Mendez at Julito Permitis Janubas.
(Ulat ni Bert Mozo)